Kasado na simula bukas, Disyembre 11 ang dry run para sa high occupancy vehicle o HOV scheme ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.
Ayon kay MMDA Assistant General Manager for Planning Jojo Garcia, magsisimula ang HOV o carpool lane sa EDSA, ala sais ng umaga ng Disyembre 11 hanggang Disyembre 18.
Papatawan ng limandaang pisong multa ang mga mahuhuling lalabag sa nabanggit na sistema at tanging mga private vehicle na may dalawang sakay o higit pa ang maaaring dumaan sa HOV lane na nasa fifth lane o nasa kaliwang bahagi ng EDSA.
Maaari rin anyang gamitin ng mga motorcycle rider ang nasabing lane bukod pa sa motorcycle lane sa fourth lane habang ang private car drivers na walang kasama ay maaari pa ring dumaan sa motorcycle lane o third lane mula sa MRT.