Tuloy ang ikinasang dry run ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa provincial bus ban sa EDSA bukas, Agosto 7.
Dry Run para sa Provincial Bus Ban, tuloy ayon sa MMDA
| via @jaymarkdagala pic.twitter.com/5GRpfoqZyW— DWIZ Newscenter (@dwiz882) August 6, 2019
Ito ang kinumpirma ni MMDA Spokesperson Asec. Celine Pialago sa dahilang wala pa naman silang natatanggap na kopya ng Writ of Preliminary Injunction na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 223 na nagpapatigil sa bagong traffic scheme.
Una rito, sinabi ni Pialago na susunod sila sa naging kautusan ng Korte bagama’t ang unang anunsyo ay ipinauubaya na nila muna sa mga kumpaniya ng bus kung nais nilang subukan ang bagong skema ng trapiko.
Sa ilalim ng pagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA, hihimpil ang mga ito sa mga itinalagang terminal sa Valenzuela City at Sta. Rosa sa Laguna na papasok at lalabas ng Metro Manila.
Ibig sabihin, hindi papapasukin ang mga provincial bus sa EDSA lalo na ang mga mayroong terminal sa kahabaan nito para magsakay at magbaba ng mga pasahero.