Isinusulong ng isang mambabatas ang pagsasagawa ng limang araw na dry run ng pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay House Committee on Transportation Chairman Edgar Sarmiento, layunin ng kanyang panukala na maiwasan ang anumang malalang pagkakamali oras na matanggal na ang ECQ sa Mayo 15.
Sinabi ni Sarmiento, makatutulong ang dry run para madaling matukoy at masuri ng mga transportation officials ang kinakailangan para maipatupad ng maayos ang social distancing sa mga pampublikong sasakyan.
Gayundin, mabibigyan din ng pagkakataon ang mga awtoridad na masigurong nasa maayos na kondisyon ang iba’t-ibang mga pampublikong tranportasyon tulad tren, eroplano, barko at mga sasakyan bago tuluyang makapag-operate.
Sa pagsasagawa aniya ng dry run, tanging ang mga frontliners at essential workers lamang ang pasasakayin ng mga pampublikong sasakayan na sasalang sa dito.
Kaugnay nito, hinimok ni Sarmiento ang Department of Transportation (DOTr) na tiyaking nakahanda sila sa pagpapatupad ng guidelines na ipalalabas ng IATF sa pagbabalik ng public transportation sa oras na maalis na ang ECQ.