Nagsanib puwersa na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Public Attorneys Office (PAO) laban sa mga tatay na ayaw magbigay ng sustento sa kanilang mga anak.
Ito ay matapos lagdaan ni DSWD secretary Erwin Tulfo at PAO chief Atty. Persida Acosta, ang isang Memorandum of Agreement (MOA) kung saan, kanilang hahabulin ang mga amang nakalimot ng obligasyon sa kanilang mga anak mula sa kanilang ex-wife, dating kinakasama, o girlfriend na naanakan.
Ayon kay Tulfo, posibleng maharap sa kaso ang mga tatay na hindi nagbibigay ng suporta para sa kanilang mga anak na 18 years old pababa.
Sinabi ni Tulfo, sa una at panagalawa ay padadalhan lamang ang mga ito ng letter bilang warning, pero sakaling magmatigas at umayaw ang mga tatay na gampanan ang kanilang tungkulin sa kanilang mga anak, papasok na ang PAO para tulungan ang mga ina ng bata na magsampa ng kaso sa Korte.
Samantala, iginiit naman ni Acosta na walang dahilan upang hindi sustentuhan ng mga tatay ang kaniyang anak lalo na kung mayroon naman itong hanapbuhay o pinagkakakitaan dahil ito ay nakasaad sa batas.
Paglabag sa Article 194 at 195 ng Family Code of the Philippines at Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004, ang isasampang kaso sa mga tatay na pabaya sa kanilang pamilya o mga anak.
Maaring magmulta ang mga pabayang ama ng P100-K hanggang P300-K o pagkakakulong ng hanggang 20 taon.