Nag-alok ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagamit ang kanilang mga pasilidad para magsilbing quarantine site sa mga persons under investigation (PUI) kaugnay sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Gayunman, sinabi ni DSWD secretary Rolando Bautista na dapat munang pumasa ang kanilang mga pasilidad sa pamantayan ng itinatakda ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Bautista, bagamat hindi pa naaaprubahan ng DOH ang kanilang mga pasilidad bilang quarantine sites, isasailalim naman sa pagsasanay ang social workers na mangangasiwa sa mga pasilidad.
Bibigyan aniya ng personal protective gear ang bawat isang social worker nila bago asikasuhin ang mga PUI para sa psychosocial intervention at stress debriefing.
Ipinabatid ni Bautista na may nakakasa na silang team na mag-aasikaso sa mga nagbabalik na Pinoy na sasailalim sa 14-day quarantine period.