Iginiit ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na tanging ang kagawaran lamang ang magpapatupad ng AKAP o ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program.
Ginawa ni Secretary Gatchalian ang pahayag matapos ibalik ng kongreso ang budget para sa programa at sinundan ng mga pambabatikos mula sa publiko na nagsasabing ang Tingog Party-list ang nasa likod ng pamamahagi ng pondo ng AKAP.
Binigyang-diin ng kagawaran na ang buong P26-B na pondo ay pangangasiwaan ng DSWD at hindi nang kung sinumang pulitiko.
Lahat din anila ng benepisyaryo ay dumaraan sa assessment at iniisa-isa ng social workers ng DSWD bago makatanggap ng ayuda kaya’t wala itong impluwensya mula sa mga opisyal ng pamahalaan. - sa panulat ni Laica Cuevas