Sinelyuhan na kahapon ng Department of Social Welfare and Development at Interior and Local Government ang memorandum of agreement para sa mas organisadong pamamahagi ng educational cash assistance sa mga mahirap na estudyante.
Batay sa MOA, tutukuyin ng local government units ang mga venue para sa payout ng cash assistance para sa mga students-in-crisis na itinakda tuwing Sabado hanggang September 24.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, ang nasabing kasunduan ay isang patunay ng pagnanais ng gobyerno na magkaroon ng nagkakaiisang aksyon at bayanihan.
Naging leksyon din anya ang nangyari noong August 20 at isang “eye opener” sa pangangailangan ng mga Filipino ng ayuda ngayong mayroong covid-19 pandemic.
Pina-alalahanan naman ng kagawaran ang mga claimant na magpa-rehistro muna bago pumunta sa payout sites, lalo’t hindi papayagan ang walk-in beneficiaries upang maiwasan ang siksikan.
Sa ilalim ng kasunduan, ang DILG at local government units ang magtatalaga ng venue ng payout pero ang listahan ng benepisyaryo ay magmumula sa DSWD.
Mula naman sa kalahating bilyong piso, itinaas na sa isa isa’t kalahating bilyong piso ang budget para sa nasabing programa.
Ang DILG at mga lgu rin ang magtatalaga ng additional manpower kung kailangan sa site habang magmumula sa DSWD ang cash aid.