Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development o DWSD sa publiko para tumulong sa kanila sa pagre-repack ng mga relief goods.
Ito’y ayon kay DSWD Director Carlos Padolina ay para sa mga lugar na matinding naapektuhan ng nagdaang bagyong Vinta na nanalasa noong isang linggo.
Sa panayam ng DWIZ kay Padolina, sinabi nito na batay sa kanilang datos, aabot sa 115,568 pamilya ang apektado ng bagyo.
Mula aniya ito sa halos 1,000 apektadong mga barangay sa Regions 4-B gayundin sa Regions 9, 10, 11, 12 at Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
“Sapat naman po yung assistance na ibinibigay sa kanila lalong-lalo na sa pagkain, sa tubig, at may mga ibinibigay din tayong hygiene kits para sa ating mga kababayang nasalanta ng bagyo, yan ang ating mga ibinibigay ngayon.” Ani Padolina
Para sa mga nagnanais maging volunteer, sinabi ni Director Padolina na magsadya lamang sa kanilang National Resource Operations Center sa NAIA Chapel Road sa Pasay City o tumawag sa mga numero bilang 02-852-8081.
“Maliban po sa mechanized na pamamaraan ng pag-repack na ginagawa din natin, para mapabilis, nag-invite na rin po kami ng mga puwedeng tumulong, mga volunteers na puwedeng tumulong sa pagre-repack ng relief goods.” Pahayag ni Padolina
Mga bakwit ng Marawi
Patuloy namang tinututukan ng DSWD ang mga bakwit mula sa Marawi City na inilikas dahil sa pagsiklab ng gulo roon.
Ito’y ayon kay DSWD Director Carlos Padolina ay dahil sa may ilang bakwit na nasa tent city ang naapektuhan din ng nagdaang bagyong Vinta sa Mindanao.
Batay sa tala ng DSWD, tinatayang nasa 20,870 pamilya o katumbas ng mahigit 95,000 bakwit na nasa tent city ang apektado ng kalamidad.
Mula sa nasabing bilang nasa 125 pamilya mula sa tent city ang kinakailangang ilikas bunsod ng malakas na pag-ulan, hangin at mga pagbaha bunsod ng bagyo.
“Medyo double whammy yung naranasan nila kaya patuloy po natin silang binabalikan at inaasikaso ang kanilang kalagayan.” Dagdag ni Padolina
‘Urduja hit areas’
Samantala, unti-unti namang nagbabalik normal ang sitwasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Urduja dalawang linggo nang nakalilipas.
Ayon kay Padolina, 608 pamilya mula sa 22 mga evacuation centers ang nakabalik na sa kani-kanilang mga tahanan sa Biliran.
Maliban sa mga nagsilikas, binabantayan din ng DSWD ang nagpapatuloy na retrieval operations sa Biliran partikular na sa mga barangay na naapektuhan ng pagguho ng lupa roon.
“Kaunting-kaunti na lamang po, 22 evacuation centers na lang ang mino-monitor namin mula sa taas na 608 evacuation centers, karamihan ay bumalik na sa kani-kanilang lugar, ang binibigyang pansin natin ay yung sa Biliran particularly sa retrieval na ginagawa sa mga barangay na naapektuhan ng landslides.” Ani Padolina
(Ratsada Balita Interview)