Magbibigay ng puhunan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga Badjao at Aeta na nagpupunta at namamalimos sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay DSWD secretary Erwin Tulfo, sinimulan na nila ang rescue operation kung saan, nasa 100 badjao ang nasagip sa Metro Manila na karamiha’y mga sumasampa sa loob ng jeep para mamalimos sa mga pasahero.
Aminado si Tulfo na dumarami nanaman ang mga Badjao at Aeta na nagpupunta sa NCR dahil nalalapit na ang Pasko.
Sinabi ng Kalihim na dati ay binibigyan lamang ang mga ito ng pagkain at bibilhian ng ticket pauwi sa kanilang probinsya pero bumabalik lang din ang mga ito dahil wala silang makain sa kanilang lugar bunsod ng kawalan ng hanap buhay at pagkakakitaan.
Dahil dito, tutulungan ng DSWD ang mga Badjao na makapagnegosyo kung saan, bibigyan sila ng P10-K, family food packs at hygiene kits upang hindi na sila bumalik pa sa lansangan.
Sakaling matapos ang naturang hakbang, kanila namang isusunod ang pagsagip sa mga batang lansangan.