Nabunyag na mayruong 15 bilyong pisong unliquidated funds ang DSWD o Department of Social Welfare and Development sa nakalipas na anim na taon.
Ito ang nasilip ni Senate Finance Committee Chairman Loren Legarda kung saan, lumilitaw na halos 3 bilyong piso ang inilaan ng kagawaran sa feeding program na ipinatupad ng mga lokal na pamahalaan ngunit hindi naman ganap na naipatupad.
Kasunod nito, ginisa rin ni Legarda si DSWD-OIC Usec. Emmanuel Leyco dahil sa kabiguang mai-account ang nasabing pondo na ayon sa senadora ay malaking kabiguan ng gobyerno na bigyan ng sapat na nutrisyon ang mga kabataan.
Depensa naman ni Leyco, bukod sa mga alkaldeng natalo sa nakalipas na halalan, nagbitiw na rin ang ilang kawani sa lokal na pamahalaan na nangangasiwa sa liquidation ng pondo.
—-