Binalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko hinggil sa “ayuda list scheme” na bagong uri ng panloloko para makakuha ng ayuda sa kanilang tanggapan.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, may ilang indibidwal ang nagpupunta sa iba’t-ibang barangay at nagpapakilalang kawani ng DSWD upang mangumbinsi sa mga residente na magbayad, kapalit ang pagkakasali sa listahan na maaaring mabigyan o makatanggap ng ayuda mula sa naturang ahensya.
Nilinaw ni Tulfo na responsibilidad ng mga barangay na ilapit sa kanilang tanggapan ang mga dapat na makatanggap ng tulong at serbisyo dahil hindi ito basta-basta ibinibigay sa kahit na sino.
Matatandaang una nang inanunsiyo ng DSWD na aabot sa 1.3 milyong indibidwal ang maaring matanggal sa listahan ng mga benepisyaryo dahil hindi na umano nabibilang ang mga ito sa tinatawag na “poorest of the poor.”
Samantala, nagbanta rin ang opisyal sa mga fixer na gumagamit ng pangalan ng kagawaran na kanilang tutugisin ang mga nang i-scam sa mga nanghihingi ng tulong.