Nakaantabay na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa executive order ng Malacañang upang masimulan na ang pagbaba ng pondo para sa ikalawang tranche ng social amelioration program (SAP).
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, nasa 151 local government unit (LGU) na ang nakapagsumite ng liquidation report para sa unang tranche, na requirement anya para sa pagpapalabas ng pondo para sa second tranche.
Sinabi ni Bautista na mula sa 1,634 na LGUs, nakumpleto na ng 1,078 LGUs ang pamamahagi ng SAP kabilang ang walong syudad sa National Capital Region (NCR), Region 5 at Caraga.
Tuloy-tuloy naman anya ang pamamahagi ng unang tranche ng SAP hanggang sa kumpletong mabigyan ang lahat ng nasa listahan.
Samantala, sinabi ni Bautista na bumuo sila ng appeal system kung saan pwedeng umapela ang mga hindi nakasama sa first tranche ng SAP.