Nakapag-abot na ng paunang tulong ang Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa mga residente ng Marikina City na apektado ng matinding pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni DSWD Secretary Virginia Orogo matapos nilang maglibot sa mga evacuation centers sa Marikina City kung saan nagbigay sila ng labing apat na libong (14,000) food packs.
Kulang pa aniya ito dahil ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro ay pumapalo sa halos dalawampung libo (20,000) ang kanilang evacuees.
Sinabi ni Orogo na kaagad silang rumeresponde kapag nagre-request ng tulong ang local government units.
“Nag-reserve kami ng 14,000 for Marikina alone for evacuees kasi ‘yun ang sinabi sa amin pero ang sabi sa amin ni Mayor mga 19,000 pong evacuees ang dapat tugunan dahil sa laki ng baha sa Markina.” Ani Orogo
Kasado na rin ang relief packs na nakatakdang ipamahagi ng DSWD sa mga lugar sa Region 3 na labis na naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan.
Sinabi sa DWIZ ni Orogo na patuloy silang nakatutok sa sitwasyon sa buong Region 3 partikular sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga at Bataan.
Ayon pa kay Orogo, may mga nakukuha rin silang text messages na humihingi ng tulong subalit tinatanong nila ang mga ito kung taga-saan dahil ang mga ibinibigay nilang ayuda ay idinadaan nila sa local government units.
“May antabay po kami para tugunan ang pangangailangan ng buong Region 3, lalo na ang Bulacan, Pampanga at Bataan, inaantay lang natin ang kanilang LGUs para rumesponde kami sa kanilang pangangailangan.” Pahayag ni Orogo
(Balitang Todong Lakas Interview)