Umapela ang Department of Social Welfare and Developmen (DSWD) sa publiko na huwag nang idamay pa ang anak ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa kinahaharap nitong kasong pagpatay.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, nakalulungkot ang insidente pero hindi na dapat madamay ang anak ni Nuezca sa mga batikos, pamamahiya at cyberbullying dahil hindi ito makatutulong sa bata.
Sinabi ni Dumlao, dapat maunawaan ng publiko na bata pa ang anak ni Nuezca at under development o hindi pa ganap ang kakayahan nitong kontrolin ang kanyang emosyon at simbuyo ng damdamin.
Ani Dumlao, kasalukuyan nang binibigyan ng psychological support at isinalang sa debriefing ng DSWD field office sa region ang anak Nuezca at iba mga bata at matandang nakasaksi sa insidente.
Samantala, inamin ni dumlao na tila normal sa anak ni Nuezca ang makakita ng mga pang-aabuso.