Pagpapaliwanagin ng Senado ang Department of Social Welfare and Development kaugnay sa pagbibigay ng ayuda sa mga pilipinong nahuling nagta-trabaho sa mga iligal na POGO sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na napag-alaman niyang binigyan ng tulong-pinansyal ng dswd ang mga Pinoy POGO workers dahil biktima anila ang mga ito ng human trafficking.
Binigyang-diin ni Senador Tulfo na hindi dapat bigyan ng ayuda ang mga Pilipinong POGO workers kundi kasuhan, upang mabilanggo, kung kasabwat ang mga ito sa operasyon ng mga iligal na pogo na nagsagawa ng love scam at iba pang panloloko.
Sinabi rin ng Mambabatas na hindi maituturing na biktima ang mga pilipinong nasa illegal POGOs dahil posibleng sila pa ang tumulong sa mga foreign POGO workers o foreign POGO bosses, maliban na lang kung janitor o cook lamang ang mga ito sa POGO hubs.
Dagdag pa ni Senador Tulfo na ang mga mahihirap dapat ang bigyan ng ayuda ng DSWD, at hindi ang mga kasabwat sa pang-i-scam o panloloko sa mga kapwa Pilipino.