Pinagpapaliwanag ni Senador Imee Marcos ang DSWD sa hindi tugmang datos nito hinggil sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) batay sa Bayanihan 1 at 2.
Sinabi ni Marcos na magulo ang mga numerong ibinigay sa kanila ng DSWD kaugnay sa dami nang nabigyan ng ayuda nuong nakalipas na taon at maging sa pondong ipinalabas para rito.
Sa budget hearing ng Senado, ini report ng DSWD na mahigit 90% na nilang natatapos ang pamamahagi ng ayuda subalit napuna ng mga Senador na may report din ang DSWD na nasa 80% ang obligation rate sa pondong pang-ayuda.
Binigyang diin ni Marcos na mahalagang malinaw ang report ng DSWD dahil maaaring maglaan muli ang gobyerno ng pondo para sa isa o dalawang ikot pa ng ayuda kasunod ng mga posible pang lockdown bunsod ng Delta variant at iba pang variant ng COVID-19. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)