Pinasalamatan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang iba’t ibang ahensya at mga organisasyong nakiisa at tumulong para sa mga biktima ng magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon.
Ayon kay DSWD secretary Erwin Tulfo, nangunguna sa nagpaabot ng tulong ang Office of the President (OP) na nagbigay ng 76 units ng 1.5 at 8.5 kilo-volt-amperes generators at 60 portable rice mill machines para sa lalawigan ng Abra na sentro ng malakas na lindol.
Nasa ₱350,000 naman ang kabuuang halaga ng relief goods ang naipaabot ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) sa DSWD Field Office-1 habang ang International Organization for Migration (IOM) ay nagbigay naman ng 1,000 shelter tarpaulins na nagkakahalaga ng P3-M.
Sa datos ng ahensya, pumalo na sa kabuuang P21.9 million ang halaga ng naipamahaging ayuda sa mahigit 100K pamilya o katumbas ng 389,046 na indibidwal na apektado ng nagdaang lindol.