Nagbabala si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na maaaring makulong ang mga nagpapautang na tumatanggap ng isinanlang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) cards mula sa mga benepisyaryo nito.
Ito’y matapos makatanggap ng ulat ang DSWD na may mga miyembro ng 4Ps na nagsasanla ng cash card sa mga loan shark kapalit ng kanilang utang.
Sinabi ni Tulfo na nasa 20% hanggang 40% ang sinisingil ng mga loan shark sa kabuuan ng makukuha kung kaya’t nababawasan ng halos 40% ang ibinibigay na monthly assistance ng gobyerno sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
Paliwanag pa ng kalihim, labag ito sa batas at titiyakin nila na sa kulungan ang bagsak ng gagawa nito.
Maliban dito, plano ni Tulfo na tanggalin sa listahan ang isang milyong benepisyaryo na hindi kwalipikadong tumanggap ng cash aid mula sa gobyerno.