Inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagkadismaya nito sa performance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng pamahalaan.
Ito’y matapos magkaroon ng pagkaantala sa distribusyon ng ikalawang bugso ng emergency cash aid sa mga pamilyang lubos na naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Gatchalian, “underperforming” ang ang DSWD dahil nasa kamay aniya nila ang pamamahagi ng SAP ngunit hanggang sa ngayon ay hindi nila nae-execute ng maayos ang trabaho at wala pa ang second tranche.
Sinabi ng senador na maiintindihan pa kung naging mabagal ang distribusyon sa first tranche dahil sa maraming dahilan gaya ng magulong database, ngunit aniya, dapat ay natuto na rito ang DSWD at hindi na maririnig pa ang naturang dahilan sa second tranche.