Tali ang mga kamay ng Department of Trade and Industry o DTI sa pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aminado si DTI Undersecretary Victorio Dimagiba na hindi nila puwedeng pilitin ang mga manufacturers, retailers at distributors na magbaba ng presyo dahil sa umiiral na free market.
Ayon kay Dimagiba, ang tanging magagawa ng DTI ay i-monitor kada linggo ang presyo ng mga pangunahing bilihin at tiyaking pasok ito sa SRP o Suggested Retail Price.
“Kami po ay nagpapaalala, ‘yan naman po ang aming role sa DTI, while we want ‘yung sinasabing free market competition, sila ang magdidikta ng presyo, eh kailangan pa din po ng pamahalaan upang tignan din kung nangyayari ba ang sinasabing free market o hindi, so umpisa po kami, nanawagan po muna kami, gumawa ng computation, pag-aralan naman po nila.” Ani Dimagiba.
Una nang nanawagan ang DTI sa mga manufacturers, retailers at distributors na ibaba ang presyo ng pangunahing bilihin tulad ng sardinas, gatas, kape, instant noodles, corned beef at maging ng pandesal.
Sinabi ni Dimagiba na halos 20 porsyento na ang ibinaba ng presyo ng mga produktong petrolyo mula noong Enero kaya’t dapat ay maramdaman naman ito sa presyo ng mga basic commodities.
“Siguro nga po hindi lang namin alam o hindi din sila nagpaalam sa amin, tinapasan na din nila ‘yung pagbaba ng presyo ng diesel sa presyo mismo ng commodities, pero mabuti pong tayo ay nagpapaalala, nanawagan po tayo, may basis naman po, kung wala naman pong basis eh hindi naman po fair sa kanila, malaki na po talaga eh ang ibinaba sa presyo ng diesel.” Pahayag ni Dimagiba.
By Len Aguirre | Ratsada Balita