Bukas ang Department of Trade and Industry (DTI) na ipagpaliban ang pagbubukas ng mga sinehan sa loob ng dalawang linggo sa mga lugar sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) tulad ng Metro Manila.
Ito ang tugon ni Trade Secretary Ramon Lopez bilang tugon sa apela ng mga alkalde sa Metro Manila, bagamat ang magpapasya aniya sa usaping ito ay ang Inter-Agency Task Force.
Sinabi ni Lopez na iginagalang nila ang desisyon ng Metro mayors lalo na’t nais ng mga itong maging maingat at obserbahan pa ng ilang linggo ang magiging takbo ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases.
Gayunman, binigyang diin ni Lopez na makatutulong ang pagbubukas ng mga sinehan para mapalakas ang ekonomiya ng bansa kasunod na rin nang pagbaba ng kaso ng COVID-19 noong 2020 dahil sa pagpapatupad ng quarantine upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Tagumpay aniya ang calibrated at ligtas na pagbubukas ng mas maraming sektor dahil bumababa ang kaso ng COVID-19 kung saan ang momentum ay dapat maipagpatuloy para makapagbigay ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino.