Hinimok ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na huwag mag-panic buying.
Ito’y matapos mapaulat ang pagbili ng bulto-bultong alcohol at mga pagkain ng ilang mamimili sa Metro Manila sa gitna ng pagkalat ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay DTI secretary Ramon Lopez, hindi kailangang mag-panic buying at mag-imbak ng marami dahil sapat ang pagkain at iba pang pangunahing pangangailan.
Mas mabuti aniya kung bibili lamang ng tamang dami ng kailangan para hindi ito masira at makinabang din ang iba pang mamimili.
Samantala, sinabi ni Lopez na sa tingin niya ay hindi pa kailangang magpatupad ng lockdown sa Metro Manila.
Ngunit kung sakali umano na mangyari ito, wala naman aniyang magiging kakulangan sa suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan sa araw-araw.