Inilatag ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Kamara ang mga protocols na susundin ng mga dine-in restaurants sa oras na isailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR).
Sa virtual hearing ng Trade and Industry Committee, sinabi ni Trade Usec. Ruth Castelo na papayagan na ang mga dine-in resto na magbukas sa ilalim ng GCQ kung saan gradual o unti-unti ang opening na kanilang gagawin.
Aniya, tanging ang mga restaurants lamang na sumusunod sa DTI-issued safety protocols ang papayagan na magbalik-operasyon pero sasailalim din ang mga ito sa post-audit.
Maliban dito, mahigpit ding ipatutupad ang no mask-no entry policy, social distancing at regular sanitation habang “no physical contact” din sa pagbabayad at kakailanganin na ang alternative mode of payment tulad ng credit o ebit card at iba pang non-cash digital payment.
Maaari pa namang magbayad gamit ang cash pero gagamit ng tray kung saan dito ilalagay ang pera.