Sumulat na ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration bunsod ng sinasabing mataas na lebel ng sodium o asin sa mga instant noodles.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo na ginawa nila ang hakbang matapos itong kalampagin sa senado dahil sa nasabing usapin.
Matatandaang ipinaliwanag ni DTI Sec. Fred Pascual na hindi nila saklaw ang pagbibigay ng sertipikasyon sa komposisyon ng mga produktong pagkain dahil wala naman silang health experts na gagawa nito.
Sa panig ni Castelo, sinabi ng opisyal na may kapangyarihan din ang FDA na ipa-recall ang mga produktong sobra-sobra ang sodium content tulad ng instant noodles.
Maaari rin aniyang tumulong sa implementasyon ang dti sakaling maglabas ng recall order ang FDA.
Samantala, dahil sa pangyayari, inihayag ni Castelo na tatanggalin muna sa price bulletin ng basic commodities ang instant noodles at titiyakin nilang ito hindi na ito maibebenta sa mga consumers. —sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)