Hinihikayat na ng Department of Trade and Industry (DTI) na magplano na ang publiko ng kanilang panonood sa mga sinehan kung saan binuksan na ito kahapon.
Sinabi ito ni Trade Undersecretary Ruth Castelo matapos magsagawa ng inspeksyon sa mga sinehan kung naipatutupad ng maayos at nasusunod ang mga patakaran sa mga sinehan.
Ayon kay Castelo, kuntento ito sa kung paano ipinatutupad ng mga sinehan ang mga health and safety protocols na inilatag para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Sa pagpila pa lang sa sinehan, hinahanapan ang mga manonood ng vaccination card at dapat may QR code din para sa health declaration.
Habang sa loob ng mga sinehan, may airflow at one meter na pagitan sa mga manonood, hiwalay din ang entrance at daan papuntang exit, puwede ring tanggalin ang face shield habang nanonood pero bawal alisin ang face mask at bawal ding kumain.
May mga air purifier din sa sinehan at nililinis agad ang pasilidad bago ang susunod na palabas.
Samantala, nagtalaga rin ang mga sinehan ng mga safety officer para tingnan kung may lumalabag sa nasabing safety protocols.