Maagang sinimulan ng Department of Trade and Industry o DTI ang pagmo-monitor sa presyo ng mga kandila dahil sa nalalapit na Undas.
Ayon kay Dinah Gladys Oro, price monitoring officer ng DTI, karaniwang tumataas ang presyo ng kandila ng P0.25 , depende sa uri ng ginagamit na raw materials.
Sinabi ni Oro na isasagawa ang monitoring sa presyo ng kandila hanggang sa ikalawang linggo ng nobyembre ng taong kasalukuyan.
Nagiging mabenta ang kandila tuwing sumasapit ang Undas o Todos Los Santos dahil sa dami ng mga taong dumadalaw sa puntod ng mga yumao nilang kaanak.
Nilinaw naman ni Oro na ang mino-monitor lamang nila na mga produktong kandila ay ang mga mayroong label lamang na ibinebenta sa mga malalaking tindahan.
Ayon kay Oro, ang mga ibinebenta sa labas ng mga simbahan at maliliit na tindahan ay hindi mino-monitor ang presyo dahil gawa lamang ang mga ito sa mga recycled wax.
By Jelbert Perdez