Nakatutok ang Department of Trade and Industry (DTI) sa monitoring ng presyo ng mga produkto na kailangan ngayong Undas.
Ayon kay DTI Undersecretary Victorio Dimagiba, Spokesman ng DTI, tinututukan nila ang presyo ng nakaboteng tubig lalo na sa mga bus terminals.
Sinabi ni Dimagiba na pinapayagan ng DTI na lumampas sa SRP o Suggested Retail Price ang presyo ng bottled water sa mga bus terminals basta’t hindi aabot sa doble ang presyo.
At upang tugunan aniya ang pangangailangan sa tubig ng mga mamamasyal sa sementeryo sa Undas, dalawang branded na bottled water na ang nagpahayag ng kahandaan na maglagay ng kanilang stall sa sementeryo at magbenta ng tubig na nakasunod sa SRP.
“Yun pong mga hindi halos dumodoble, ina-allow na namin ‘yan, ang ayaw po namin katulad nito, isang bus company the same product ibinebenta ng P25, sobra naman ‘yan, P10 ang SRP, P25 pesos so P15, ito po yung tinututukan namin, ang nagtitinda na ‘yan sigurado po na isyuhan ng notice of violation.” Ani Dimagiba.
Samantala, aminado si Dimagiba na problemado sila sa napakataas na presyo ng mga bulaklak dahil sa lumiit ang suplay mula sa Baguio City na isa sa mga nasalanta ng bagyong Lando.
Wala naman aniyang problema pagdating sa kandila dahil napakaraming puwedeng pagpiliang murang kandila sa merkado.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit