Nakikipagtulungan na ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga manufacturer at supplier ng face masks.
Ito ay para matiyak na walang kakapusan sa supply ng face mask sa gitna na rin ng patuloy na pagtutok sa sitwasyon hinggil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, nakapagtanong na sila noon pang isang linggo para matulungan ang mga drug store na makahanap ng supplier ng face mask.
Mayroon na rin aniya silang nakausap na local manufacturer na nangakong uunahin ang paglalaan ng malaking bulto ng face mask sa bansa o magus-supply ito ng nasa 400,000 face mask kada linggo sa presyong P8.00 kada piraso.
Sinabi ni Lopez na kahalati ng nasabing supply ay ipapagamit sa frontline workers sa Department of Health (DOH) at ang kalahati naman ay iaalok sa local pharmacies na kulang na sa supply ng face mask.
Kasabay nito, ipinabatid ni Lopez na tinitingnan nila ang posibilidad na makakuha ng face mask sa ibang supplier sa Thailand para mapunan ang kinakailangang supply ng face mask.