Hindi pa rin pinapayagan ang pagbubukas ng mga bars sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ito ang nilinaw ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, matapos ng insidente ng pagsalakay ng Makati Police sa isang bar sa lungsod kung saan kabilang sa mga naaresto ang aktor na si KC Montero.
Ayon kay Lopez, tanging ang serbisyo sa restaurant dining ng mga bars ang maaari lamang magbukas at tumanggap ng 30% ng kapasidad nito hanggang alas-9 ng gabi.
Iginiit din ni Lopez, nauna nang nabigyang-linaw ang Resolution No. 48 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease kung saan nakasaad na pinapayagan na ang hanggang 30% na operasyon ng mga restaurants, café at bars.
Una nang sinabi ng Makati City Police na inaresto ang mga tao sa loob ng bar dahil sa paglabas sa social distancing protocol na pinabulaanan naman ni Montero.