Nanawagan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante na ibaba na ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi ni DTI Undersecretary Victorio Dimagiba sa programang Ratsada na walang dahilan para hindi tapyasan ng mga negosyante ang presyo ng kanilang mga produkto partikular ang presyo ng pandesal dahil sa pagbaba ng presyo ng harina.
Bumaba rin ang presyo ng LPG na siyang gamit sa mga panaderya.
Dapat rin aniyang ibaba ang presyo ng sardinas, gatas, kape, instant noodles at corned beef.
Ayon kay Dimagiba, malaki ang natitipid ng mga manufacturer sa transportation cost ng mga basic goods.
“Malaki po talaga ang savings ng pag-transport ng mga basic goods, ang calculation po namin yung transportation cost ng basic goods ay mga 3 percent ‘yan sa buong presyo ng isang de lata.” Ani Dimagiba.
Ayon kay Dimagiba bagaman 3 percent ang bumubuo sa distribution costs ng kabuuang presyo ng isang produkto, dapat maramdaman ang 21 percent decline sa presyo ng diesel simula pa noong Enero.
Sa kalkulasyon ng DTI, dapat tapyasan ng P0.09 centavos ang presyo ng 155 gram ng canned sardines; P0.25 sa 410 milliliter ng evaporated milk; P0.34 sa condensed; P0.32 sa 150 grams ng powdered milk; P0.27 sa 50 grams ng kape; P0.07 sa noodles; P0.22 sa 170 grams ng corned beef at P2.00 sa 40 kilos ng semento.
Kumpiyansa naman si Dimagiba na magkukusa ang mga local manufacturer gaya ng ginawa ng mga flour millers upang ibaba ang presyo ng tinapay.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita | Drew Nacino