Nanindigan ang Department of Trade and Industry sa price guide na na-i-post sa kanilang social media na nagsasabing sapat na ang P500 na halaga ng noche buena meal sa pamilyang may apat hanggang limang miyembro.
Magugunitang umani ng batikos mula sa publiko, partikular sa mga netizen ang nasabing pahayag ng DTI.
Ito ang dahilan kaya’t hinamon ng ilang labor group, tulad ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kagawaran na pagkasyahin ang P500 sa noche buena.
Gayunman, iginiit ni DTI Assistant Secretary Ann Cabochan na ang infographics ay sinadya upang maging adbokasiya, hindi para utusan ang mga mamimili kung ano ang dapat bilhin para sa bisperas ng pasko.
Batay anya sa price guide, ang mga mamimili ay makabibili ng spaghetti, pan de sal, salad, hamon at keso sa halagang wala pang P500 basta’t mga pinakamurang brand ang pagpipilian.
Samantala, inihayag ni KMU Secretary General Jerome Adonis na tila kinokondisyon ng DTI ang publiko, lalo ang mga manggagawa na makuntento na sa maliit na sahod.