Tali ang kamay ng DTI o Department of Trade and Industry sa napaulat na paglobo ng presyo ng bilihin sa Marawi City.
Ayon kay DTI Undersecretary Teodoro Pascua, duda sila sa nasabing ulat dahil halos wala nang sibilyan na pwedeng makapag-negosyo ngayon sa Marawi City.
Hindi rin naman anya sila pwedeng mag-inspection doon dahil wala nang pinapayagang makapasok sa syudad ng Marawi City sa gitna ng labanan ng militar at Maute Group.
Una rito, napaulat na maliban sa ilang pangunahing bilihin, tumaas hanggang mahigit dalawandaang piso (P200.00) ang kada kilo ng bigas sa Marawi City.
“Siguro mayroon lang nakakita na nagtitinda at halos wala naman nang, wala na tayong kasama doon dahil nag-aalisan na sila lahat, wala na kaya ang tinitignan naming yung ibang mga lugar na walang gulo ngunit naaapektuhan ng gulo. Ang kanila pong pinagtutuunan ay yung relief hindi yung kalakal”, paliwanag ni Pascua.
‘Hindi maganda yung iniisahan yung mamimili’ – DTI
Ikinakasa na ng Department of Trade and Industry ang kaso laban sa mga manufacturers at retailers na nakitaan ng paglabag nitong pasukan sa eskwelahan.
Tinukoy ni DTI Undersecretary Teodoro Pascua ang mali-maling labeling sa mga notebooks at iba pang gamit sa paaralan.
Hiwalay pa anya ito sa nakitang paglabag naman ng FDA o Food and Drug Administration kaugnay ng mga nakalalasong sangkap sa paggawa ng school supplies.
“Kailangan sana yung ating mga nagma-manufactures ay sinisigurado na tapat or true yung kanilang labelling hindi yun ang isyu kung dalawa (2) o lima (5) o ano, ang importante ‘pag sinabi mong sampu (10) edi sampu, hindi maganda yung iniisahan yung mamimili”, ani Pascua.
By Len Aguirre