Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtalima sa pasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang polisiya hinggil sa edad ng mga batang papayagan nang makalabas ng bahay.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, balik na sa statos quo o naunang panuntunan kung saan tanging ang mga may edad 15 hanggang 65 anyos ang ituturing na authorized persons outside residence (APOR).
Sinabi ni Lopez, susundin nila ang utos ng pangulo upang hindi masisi sa pinaluwag na age restriction protocol, sakaling tumaas pa ang maitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ipinag-utos din aniya ni Pangulong Duterte ang pagsasagawa ng karagdagang pag-aaral sa bagong variant ng COVID-19 kasabay ng mas pagpapaigting pa sa umiiral na health protocols.
Magugunitang, unang ipinanawagan ng DTI ang pagpapaluwag sa age restriction upang mapalakas ang demand sa merkado at matulungang makabangon ang ekonomiya ng bansa.