Walang namo-monitor na paglabag ang Department of Trade and Industry (DTI) sa ipinatutupad na price freeze sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa bagyong Paeng.
Ayon kay Trade Assistant Secretary Ann Claire Cabochan, compliant o sumusunod ang mga retailers sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Paeng base na rin sa monitoring ng kanilang regional at provincial offices.
Sinabi ni Cabochan na sa ilalim ng Price Act, ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga nasa state of calamity ay mananatili sa kanilang kasalukuyang presyo o mas mababa pa sa loob ng 60 araw.
Ang sinuman aniyang lalabag sa price freeze ay makukulong ng isa hanggang 10 taon o kaya naman ay multa mula 5,000 hanggang isang milyong piso depende sa magiging pasya ng korte.