Napawi na ang duda ng ilang mga senador sa integridad at sinseridad ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez na gampanan ang kanyang tungkulin.
Ito ang inihayag ni Senador Panfilo Lacson matapos ang kanilang pakikipagpulong kay Galvez kagabi.
Ayon kay Lacson, mahusay na naipaliwanag ni Galvez ang ilang mga isyu sa pagbili ng pamahalaan ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nais mabigyang linaw ng mga senador lalo na sa transaksyon sa Sinovac.
Dagdag ni Lacson, pinayuhan din nila si Galvez na ipaliwanag sa nakatakdang pagdinig ng senate committee on the whole bukas ang mga binanggit nito sa kanilang naging pulong kagabi.
Ito ay sa paraan aniyang walang malalabag na anumang kondisyong nakapaloob sa kasunduan sa mga vaccine manufacturers.
Samantala, sinabi ni Lacson na sa kanilang panig ng mga senador, nangako silang igagalang ang mga terms sa kasunduan para hindi malagay sa alanganin ang delivery sa Pilipinas ng mga bakuna kontra COVID-19. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)