Iginiit ng isa sa mga sinibak na opisyal ng Philippine National Police na hindi nagkaroon ng due process sa pagkakatanggal sa kanila sa serbisyo na iniutos ng Ombudsman.
Ayon kay Chief Supt. Asher Dolina, miyembro ng Maritime Group Bids and Awards Committee na nagproseso ng pagbili ng maanomalyang Police Coastal Craft, hindi sila nabigyan ng pagkakataon na masagot ang mga alegasyong ibinato sa kanila.
Kaya anya sana nilang patunayan na mayroong bidding na naganap sa pagbili ng mga rubber boats at nakuhanan pa anya ito ng video.
Giit pa ni Dolina, nagsumite ng mga kailangang dokumento ang nanalong bidder, at mayroon pang ibang suppliers na lumahok sa bidding.
Kasunod nito, nagpahayag ng pagkadismaya ang opisyal dahil anya sa biased at walang basehan na desisyon ng Ombudsman.
Si Dolina ay isa sa 9 na opisyal ng PNP na sinibak ng Ombudsman sa serbisyo dahil sa maanomalyang pagbili ng rubber boats na nagkakahalaga ng halos P5 Milyon.
By: Jonathan Andal