Muling iniharap ng mga operatiba ng NBI o National Bureau of Investigation sa DOJ o Department of Justice si Dr. Russel Langi Salic na ini-uugnay sa Maute Terrorist Group at nahaharap sa mga kasong kidnapping at murder.
Iginiit ni Salic sa kaniyang isinumiteng counter affidavit na wala siyang kinalaman sa pagdukot sa limang indibiduwal at complainants na sina Gabriel Tomatao Permitis, Alfredo Sarsalejo Cano-Os, Esperanza Permitis, Adonis Mendez at Julio Janubas nuong Abril 4 ng nakalipas na taon.
Depensa naman ni Atty. Dalonilang Paramihan, abogado ni Salic na naka-duty ang kaniyang kliyente bilang chief resident physician ng Northern Mindanao Medical Center sa Iligan City.
Suportado aniya ng mga ebidensya ang pahayag na iyon ni Salic dahil lubhang napaka-layo ng Iligan City sa bayan ng Butig, Lanao del Sur kung saan sinasabing nangyari ang krimen.
Pinabulaanan din nito ang akusasyon ng mga nagrereklamo hinggil sa pagpugot sa dalawang biktimang kinilalang sina Jaymart Capangpangan at Salvador Janubas nuong Abril 16 ng nakalipas ding taon.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo
SMW: RPE