Pinawi ng PHIVOLCS ang pangamba ng mga residente malapit sa Bulkang Mayon kaugnay sa umano’y dumadaloy na lahar sa mga ilog.
Batay sa monitoring ng PHIVOLCS, ‘well-contained’ o nananatili lamang sa loob ng ilog ang mga deposito na ibinuga ng bulkan tulad ng buhangin at mga bato.
Dagdag pa ng PHIVOLCS, hindi din sapat ang tubig – ulan na bumuhos sa lalawigan noong mga nakalipas na araw para makalikha ng malalaking lahar.
Gayunman, iginiit ng PHIVOLCS na dapat ay mabilis na lumikas ang mga residenteng nakatira sa gilid ng mga ilog kung sakaling biglang tumaas ang tubig at bumuhos ang putik.
Matatandaang nakapagtala noong Sabado ng ‘lahar flow’ o pagragasa ng lahar ang PHIVOLCS sa pagitan ng Miisi at Anoling Channel malapit sa Bulkang Mayon.
Una nang ibinabala ng PHIVOLCS na posibleng magkaroon ng lahar kung saan malapit ang ilog gaya ng bayan ng Daraga, Camalig, Guinobatan, Santo Domingo at Legazpi City.