Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang tumataas na bilang ng mga kabataang nasasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ipinabatid ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na karamihan sa mga dinadapuan ng virus ay nasa edad 20 hanggang 49 na malaki ang tsansang mamatay.
Sinabi ni Vergeire na mas marami mula sa naturang age group ang dinadapuan ng COVID-19 ngayong taon kumpara noong nakalipas na taon.
Dahil dito, sinabi ni Vergeire na pag-uusapan nila sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) kung anong industriya ang papayagang magpatupad ng work-from-home set up.
Ilang health experts na ang nagsabing binabalewala ng mga kabataan ang minimum health protocols kayat lumulobo ang dinadapuan ng COVID-19 sa hanay ng mga ito.