Dismayado si Health Secretary Francisco Duque III sa mga akusasyon ng ilang government official na sangkot umano ang kagawaran sa katiwalian.
Ayon kay Duque, handa naman ang DOH na tumugon sa panawagang imbestigasyon lalo sa hamon ni Senador Manny Pacquiao.
Transparent naman anya ang kagawaran at handang makipag-ugnayan sa mga mambabatas bilang bahagi ng checks and balances ng gobyerno.
Iginiit ng kalihim na handa sila sa DOH na ipakita sa senado kung saan napunta ang pondo lalo ang ginamit ng pamahalaan sa kampanya kontra COVID-19.
Magugunitang hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Pacquiao na pangalanan ang mga government agency na may bahid ng korapsyon bilang tugon sa pahayag ng senador na tatlong beses na malala ang katiwalian sa kasulukuyang administrasyon.
Tinanggap naman ng pambansang kamao ang hamon ng pangulo at tinukoy ang DOH bilang dapat na unang sumalang sa imbestigasyon. — Panulat ni Drew Nacino.