Dumepensa si Health Secretary Francisco Duque III kaugnay sa akusasyong siya umano ang dahilan ng pagkakadiskaril ng pagsusuplay sana ng COVID-19 vaccine ng Pfizer sa bansa sa darating na Enero.
Paliwanag ni Duque, dumaan sa proseso ang confidentiality disclosure agreement (CDA), na syang kinakailangang dokumento para sa pagbili ng bakuna, at hindi ito maaaring madaliin.
Dokumentado rin, aniya, ang pinagdaanang proseso ng CDA at ilang beses ding sinuri ng mga kinauukulang ahensya bago ito pirmahan.
Iginiit din ng kalihim na walang katotohanan na hindi nya agarang inaksyunan ang nabanggit na kasunduan.
Magugunitang diretsahang tinukoy ni Senador Ping Lacson si Duque na siya umanong dahilan ng pagkabulilyaso ng pagsusuplay ng bakuna ng Pfizer dahil sa hindi aniya nito pag-asikaso sa nabanggit na dokumento.