Hinimok ng grupo ng mga manggagawa ng PhilHealth si Health Secretary Francisco Duque III na magsalita sa alegasyon ng korapsyon sa ahensiya.
Ayon kay PhilHealth Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (PhilHealth-WHITE) President Ma. Fe Francisco, dapat magsalita si Duque bilang chairman ng board.
Sinabi ni Franciso, nais nilang marinig ang komento ni Duque sa ibinabatong akusasyon ng mga whistleblowers kaugnay ng umano’y P15-bilyong pondo ng PhilHealth na ibinulsa ng mga opisyal nito.
Una nang hinimok ng grupo si Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng caretaker o tagapangalaga ng PhilHealth matapos na mag-leave of absence ang kanilang president at CEO na si Ret. Gen. Ricardo Morales.
Binigyang diin ng PhilHealth-WHITE, hindi rin dapat italaga bilang caretaker ng PhilHealth si Duque dahil nahaharap ito sa hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng mga kakulangan sa pagtugo ng Department of Health sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).