Ipinanawagan na ni Health Secretary Fransisco Duque III ang mas mahigpit na border control upang mapigilan ang pagpasok sa bansa ng lambda variant ng COVID-19.
Ayon kay Duque, kailangang i-monitor ang lambda dahil maaaring maging isa itong variant of concern.
Tinukoy ng kalihim ang mga nag-uuwiang overseas filipinos na maaaring magdala ng lambda variant.
Sa ngayon anya ay epektibo pa naman ang border control lalo’t labinsyam na kaso pa lamang ng nakahahawang delta variant ang kumpirmadong na-detect sa bansa.
Bagaman wala pang naitatalang kaso, sinasabing mas nakamamatay at nakahahawa ang lambda variant na unang nadiskubre sa peru noong December 2020 at kalat na sa tinatayang 30 bansa. —sa panulat ni Drew Nacino