Pinaiimbestigahan ni Health Secretary Francisco Duque III sa Food and Drug Administration (FDA) ang sinasabing ibinibigay na reseta sa ginawang pamamahagi ng Ivermectin sa Quezon City.
Ayon kay Duque, nakatanggap siya ng ulat kaugnay sa pamamaraan ng pamamahagi ng reseta para sa Ivermectin kung saan nakasulat lang umano ito sa tissue o bond paper.
Ani Duque, batay sa batas, lahat ng reseta ay dapat na naglalaman ng malinaw na detalye gaya ng pangalan ng doktor na nagbigay ng reseta, address, professional registration number at tax receipt number.
Sa pamamagitan aniya nito ay magkakaroon ng pananagutan ang doktor na nagbigay ng reseta sakaling may hindi magandang mangyari sa kaniyang pasyente na kaniyang binigyan ng prescription.