Gross and inexcusable negligence sa ilalim ng anti-graft law ang posibleng kaso o pananagutan ni Health Secretary Francisco Duque.
Ito, ayon kay Senador Kiko Pangilinan, ay kung totoo na kaya nabulilyaso ang pagdedeliver na sana ng Pfizer sa bansa ng 10-milyong doses ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Enero, ay dahil sa hindi inasikaso ni Duque ang kailangang dokumento sa pagbili ng bakuna — ang confidentiality disclosure agreement.
Ayon kay Pangilinan, sana naman ay walang isyu ng ‘kickback’ sa pagkakadiskaril ng bakuna mula sa Pfizer.
Kaya anya mahalaga ang panawagan nya na pagdinig ng Committee of the Whole sa vaccination rollout.
Ito ay upang malaman kung ano ang plano ng gobyerno at kung handa ba talaga, o makupad na naman ba, o may kurapsyon at overpricing na naman pagdating sa pagbili, storage at distribusyon ng bakuna laban sa COVID-19. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)