“Wait for your turn”.
Ito ang binigyang diin ni Health Secretary Francisco Duque III sa mga gustong mauna sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Duque, limitado lamang ang mga bakuna na kailangan ireserba sa mga health care workers kung saan sila ang lumalaban sa virus.
Sa ilalim ng resolusyon ng National Immunization Technical Advisory Group o NITAG, una sa listahan ng prayoridad ng babakunahan ay ang mga health workers susundan ng mga matatanda, mga taong may comorbidities, fronliners at mahihirap.
Ipinabatid naman ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr, ang pagbabakuna sa mga health workers ay “moral obligation” kung saan sila ang naeexpose sa COVID-19 sa bansa.
Bukod dito, nanawagan si Galvez sa publiko na sundin ang nasa priority list dahil obligasyon natin unahing mabakunahan ang mga frontliners upang maproteksyonan laban sa banta ng COVID-19.
Samantala, sinabi pa ni Duque, na naiintindihan niya na lahat ay gusto ng makatanggap ng bakuna , ngunit maghintay sa tamang oras dahil marami pang bakunang darating na siguradong maibibigay ito sa lahat ng mamamayan.— sa panulat ni Rashid Locsin