Sinabon ni Health Secretary Francisco Duque III ang pamunuan ng ospital sa Cavite na tumangging tanggapin ang isang batang naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Nagalit ang kalihim matapos na marinig ang paliwanag ng mga opisyal ng General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital, na wala umano kasi silang bakanteng kuwarto noon para sa kaso ng bata na kinilalang si Riceza Salgo.
Lalo pang nagalit si Duque nang malaman nito na desisyon pala ng residenteng doktor ng ER na huwag i-admit ang pasyente.
Ayon kay Duque, padadalhan niya ang mga ito ng show cause order para pagpaliwanagin kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kaso at tanggalan ng lisensya para makapag-operate.
Nangako naman ang pamunuan ng General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital na hindi na mauulit ang pangyayari.
—-