Kinatigan ni Health Secretary Francisco Duque III ang planong pansamantalang gawing COVID-19 mega vaccination site ang Nayong Pilipino.
Binigyang diin ng kalihim ang pangangailangan para mapaigting ang vaccination program ng pamahalaan.
Target aniya nila na makapagbakuna ng 500,000 katao kada araw sa buong bansa, kung saan 120,000 naman ang target na mabakunahan kada araw sa National Capital Region.
Dahil dito, malaki aniya ang pangangailangan ng pamahalaan para sa mas malalaking area sa pagbabakuna.
Samantala, magugunitang sinabi ni National Task Force Against COVID-19 spokesperson Retired General Resituto Padilla na malaking ambag sa naturang target ang planong mega vaccination site sa Nayong Pilipino at iba pang malalaking lugar para sa vaccination program ng gobyerno.