Tiwala si Health Secretary Francisco Duque III na kaya niyang linisin ang kaniyang pangalan sa gitna ng imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay sa alegasyong pagkabigo ng kalihim at ng Department of Health (DOH) na tumugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Duque handa siyang makipagtulungan sa anomang imbestigasyong kailangang isagawa para lumabas ang katotohanan.
Naniniwala rin aniya siya na magiging patas ang Ombudsman sa paghawak ng mga ebidensya kung saan mapapamalian ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.
Ilan sa mga isyung sinisilip ng Ombudsman ay ang pagbili ng 100,000 COVID-19 test kits, pagkaantala sa pagbili ng mga personal protective equipment at ilang medical gears na kailangan para sa proteksyon ng health workers.
Gayundin ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nasasawi at nagkakasakit na mga medical frontliner at ang mabagal na proseso sa mga benepisyo at tulong pinansyal ng mga ito.