Inihayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na si Health Secretary Francisco Duque III ang kanyang tinutukoy na may orihinal na kasalanan sa pagbili ng overpriced na face masks at iba pang medical supplies.
Ayon kay Drilon, nag -umpisa ito sa pagpapalipat ni Duque ng pondong pantugon sa pandemya mula Department of Health (DOH) patungong procurement service ng Department of Budget and Management (DBM) nang walang kaukulang memorandum of agreement.
Naaayon anya sa konstitusyon kung iniutos ng pangulo kay Duque na maglipat ng pondo pero dapat sumunod ang kalihim sa patakaran ukol sa documentary requirements.
Sa pagdinig ng senado, lumilitaw anya na hindi lang P42 bilyon ang ipinalipat ni Duque sa PS-DBM kung hindi kabuuang P47 bilyon.
Ginamit ang halagang ito sa pagbili ng medical supplies sa pharmally at sa iba pang kumpanya na kinukwestyon din ng ilang senador ang kakayanang magbenta ng mga medical supplies nito.